Sigurado ako na matapos mong mabasa ang unang pangungusap ay tumaas ang iyong kilay. Parang imposible nga naman sa isang Pilipino na hindi alam ang salitang meron dahil sa sobrang dalas na magamit ito. Madalas nating itinatanong, "Anong meron?" kapag malungkot o kaya naman sobrang saya ng ating kaibigan. Kaming mga babae, bawat buwan, nagbubulungan sa isa't isa upang hindi marinig ng iba na meron kami. Talagang hindi mawawala ang meron sa pang-araw-araw na usapang Pilipino.
Pero, ano nga ba ang meron?
Simple lang naman ang meron.
Ang lahat ay meron. Ang wala ay meron.
Simple, hindi ba? Walang compound o complex sentences para lang ipaliwanag ang meron. Pero sa tiyak na kasimplehan ng meron nagmumula ang pagkalula. Sanay na kasi tayo na kumplikado ang lahat kaya nakapaninibago ang kapayakan ng meron. Aminado ako na hanggang ngayon, hindi ko pa rin naiintindihan ang kabuuan ng meron pero, tinatanggap ko ang meron dahil nararanasan ko ito.
Nangungusap sa atin ang meron, sa pamamagitan ng logos o kaya, salita. At sa pamamagitan ng salita nakikita at nauunawaan natin ang totoo. Madalas, akala natin na ang nakita natin ang logos ng karanasan na iyon. Maaaring nagkamali tayo ng pagunawa, pero tinanggap natin ang pagunawang ito bilang ang totoo at ibinahagi pa natin ito sa iba na tinanggap din naman nila. Sa kasong ito, ang sinang-ayunan at pinagbabahagiang totoo ay hindi totoo, kung hindi, ang katotohanan. Sa ideyal, iisa lamang ang totoo at katotohanan. Pero dahil sa kumplikado na ang sitwasyon, nahihirapan tayong mapag-isa ang totoo at katotohanan.
Paborito ko ang konsepto ng katotohanan sa Pilosopiya. Sa lahat ng mga natutunan ko sa Pilosopiya hanggang sa puntong ito, ang katotohanan lamang ang konsepto na nagpapakita ng kalayaan na ibinigay ng Diyos sa tao. Madalas kasing ihalintulad ang meron sa Diyos. Kung susundan ang ganitong pag-iisip, ang totoo ay galing sa Diyos pero maaari itong tanggapin at unawaain ng tao sa iba't ibang paraan. Sa madaling sabi, ang totoo para sa akin, ay maaaring hindi totoo para sa iyo.
Mula sa naunang kasipan tungkol sa katotohanan, gusto kong i-ugnay ito sa pag-ibig. Nitong mga nakaraang buwan kasi, madalas akong naguguluhan at nalilito dahil hindi ko naiintindihan ang logos na nais niyang ipahiwatig. Sa tipikal na obserbasyon, maaaring isipin na marahil espesyal din ako sa kanya. Pero nang talakayin namin sa Pilosopiya ang katotohanan, naisip ko, posible rin naman na ang totoo para sa kanya ay maaaring iba sa totoo para sa akin. Kaya siguro agad pumapasok sa isipan ko na marahil espesyal din ako sa kanyan dahil sa mga popular na katotohanan tungkol sa pag-ibig.
Dahil dito, naisip ko na hindi ko tuluyang malalaman ang katotohanan tungkol sa estado ng aming pakikitungo sa isa't isa kung hindi ko malalaman ang totoo sa likod ng kanyang mga aksyon. Walang saysay na pagurin ko ang aking sarili sa kakaisip ng mga posibleng paliwanag kung hindi ko mismo siya tatanungin. Dahil siya lang ang makapagbibigay ng sagot sa mga katanungang tumatakbo sa aking isip.
Alam kong ganito ang sitwasyon. Alam ko ang kailangan kong gawin.
Magtanong.
Pero hindi ko ginagawa. Hindi naman ako maskhista. Ang totoo niyan, natatakot lang akong malaman ang katotohanan. Kapag pinakawalan ko mula sa aking mga labi ang mga salitang nagpapahiwatig ng katanungan, mapag-uusapan na namin ang lahat-lahat sa pamamagitan ng lahat-lahat ng sabay-sabay. Gusto kong malaman ang katotohanan pero hindi pa yata ako handa para dito.
Paumanhin kung napapadalas ang mga blog ko tungkol sa kanya. Kinakailangan ko lang talagang ilabas ang aking saloobin. At tinulungan ako ng Pilosopiya na mag-isip sa iba namang punto de bista.
Sa kabila ng mga ka-dramahan ko, nakatutuwa namang isipin na nagagamit sa buhay ang mga konsepto na pinag-aaralan sa unibersidad. Sana naman ay magawa ko rin ito sa ibang asignatura ko.
Hanggang sa muli.